Suspendido ng 90 araw ang lisensya ng driver ng isang Toyota Innova na nakunan ng video habang may blinking o flashing reverse light sa Makati City.
Ayon sa Land Transportation Office o LTO, ito ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Marcos sa Department of Transportation na panagutin ang mga pasaway sa kalsada.
Kinilala ang may-ari ng sasakyan na si Neneth Imperial Romero, na siya ring designated driver. Pinadalhan ito ng Show Cause Order at inutusan ng LTO na magpaliwanag sa Oktubre 10, alas-3 ng hapon, sa kanilang Intelligence and Investigation Division.
Kasama sa utos ang pagdala ng sasakyan para sa inspeksyon, habang nakalagay na sa alarm status ang vehicle.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, tuloy-tuloy ang kampanya laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko—hindi raw titigil ang DOTr hangga’t may mga driver na patuloy na pasaway sa daan. | BChannel news