Arestado ang dalawang lalaki na sangkot sa tangkang pagnanakaw sa isang convenience store sa Barangay Rillo, Tuy, Batangas.
Kinilala ang mga suspek na sina “Jelio”, 34 anyos, at “Edward”, 37 anyos. Kapwa silang tubong Pampanga pero kasalukuyang naninirahan sa Barangay Lumbangan, Nasugbu, Batangas.
Ayon sa Tuy Municipal Police Station, Oktubre a-10 nang isagawa ang follow-up at hot pursuit operation laban sa mga suspek matapos ang nasabing attempted robbery.
Nakita umano ang dalawa na pagala-gala malapit sa isang convenience store sa Barangay Luna, Tuy, dahilan para agad silang sitahin ng mga pulis.
Sa isinagawang stop-and-frisk, nakuha kay Jelio ang isang Caliber .38 revolver na may anim na bala, habang sa sling bag naman ni Edward ay nadiskubre ang isa pang Caliber .38 revolver na walang serial number at may apat na bala. Nabigo ang dalawa na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay ng legal na pagmamay-ari ng naturang mga baril.
Dahil dito, parehong sinampahan ng kaso ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ngayon, nakakulong na ang dalawa sa Tuy Municipal Police Station habang patuloy ang imbestigasyon. | BChannel news