Arestado ang tatlong lalaki matapos makumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang tinatayang 25 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P163.2 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Masin Norte, Candelaria, Quezon nitong Biyernes.
Ayon kay PDEA-National Capital Region Director Emerson Rosales, kinilala ang mga suspek na Jack, 42 anyos; Nor, 31 anyos — parehong mga magsasaka mula Zamboanga City; at Anor, 43 anyos, isang tricycle driver mula North Cotabato.
Narekober sa operasyon ang isang pakete ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo, na siyang subject ng bentahan, at karagdagang 24 na pakete pa na aabot sa kabuuang 25 kilo.
Nasamsam din ang buy-bust money, isang itim na SUV, dalawang analog phone, isang Android phone, at iba’t ibang identification cards.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service.
Samantala, kasalukuyan namang isinasailalim sa inquest proceedings ang mga suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.