Kinumpirma ng Philippine Army ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga umano’y lawless elements na konektado sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan nitong Martes, Oktubre 28.
Ayon kay Col. Louie Dema-Ala, tagapagsalita ng Philippine Army, kontrolado na nila ang sitwasyon at patuloy ang kanilang operasyon para tiyakin ang kaligtasan ng mga residente.
“We assure the public that the Philippine Army is on top of the situation. Our troops have been deployed to secure the area and ensure the safety of the residents,” ayon kay Dema-Ala.
Dahil sa tensyon, pansamantalang sinuspinde ang pasok sa lahat ng paaralan at tanggapan ng gobyerno sa buong munisipalidad. Apektado rin ang ilang negosyo matapos magsara ang mga tindahan at lumikas pansamantala ang ilang residente dahil sa takot sa posibleng bakbakan.
Batay sa ulat ni Basilan District 2 Board Member Dr. Nur-Khan Istarul, nagsimula ang tensyon noong Lunes, Oktubre 27, matapos umanong umatake ang grupo ng mga armadong kalalakihan sa ilang bahagi ng bayan.
Kaagad namang nagpatawag ng pagpupulong si Basilan Governor Mujiv Hataman kasama ang mga opisyal ng militar, mga kinatawan ng MILF, religious leaders, at mga lokal na lider upang pag-usapan ang naturang insidente at mapanumbalik ang kapayapaan sa lugar.
Ayon sa 101st Infantry “Three Red Arrows” Brigade / Joint Task Group Basilan, posibleng may kinalaman sa rido o alitang pamilya ang nasabing engkwentro—isang pangmatagalang problema sa ilang bahagi ng Mindanao.
Tiniyak ng Provincial Government ng Basilan na nakikipagtulungan na sila sa Basilan Council of Elders, MILF leadership, at mga ahensyang pangseguridad upang mapanatili ang katahimikan at protektahan ang mga komunidad sa Tipo-Tipo. | BChannel news