Isang karumal-dumal na krimen ang naganap sa Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite nitong Lunes ng umaga, Oktubre 27, matapos na magwala ang isang lalaki at tangkain umanong patayin ang sarili niyang mga anak sa loob mismo ng kanilang bahay.
Ayon sa ulat ng Dasmariñas City Component Police Station, alas-7:30 ng umaga nang maganap ang karahasan sa University Hills. Kinilala ang suspek na si LJ, 37 anyos, na armado ng patalim habang hawak ang kanyang mga anak sa loob ng bahay.
Base sa paunang imbestigasyon, bigla umanong sinaksak ng suspek ang kanyang mga anak na nagdulot ng takot sa mga kapitbahay na agad humingi ng saklolo sa mga awtoridad. Pagdating ng mga tauhan ng Dasmariñas Police, nadatnan nilang patuloy pa ring sinasaksak ng lalaki ang isa sa mga bata.
Sinubukan ng mga pulis na awatin at iligtas ang mga biktima, subalit tumindi pa ang marahas na galit ng suspek kaya napilitan ang mga operatiba na barilin ito — na agad nitong ikinamatay.
Agad namang dinala sa Pagamutan ng Dasmariñas ang mga biktima. Sa kasamaang-palad, nasawi ang batang si Kelvin, 5-anyos, habang patuloy pang ginagamot sina Kate, 7-anyos, at Angel, 30 anyos.
Ayon sa mga awtoridad, lumalabas sa imbestigasyon na ilang araw nang nakakulong sa loob ng bahay ang suspek at mga anak nito. Pinaniniwalaang nakararanas ng matinding anxiety ang lalaki bago pa man mangyari ang karumal-dumal na insidente.
Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng madugong insidente. | BChannel news