Ipinag-utos ng Malacañang ang masusing pagsusuri sa mahigit tatlong daang flood control projects sa Cebu para matiyak na epektibo at nagamit nang tama ang pondo ng gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mula taong 2016 hanggang 2022, umabot sa 343 flood control projects ang ipinatupad sa Cebu — dalawa rito ang na-terminate.
Giit ni Castro, kung gumagana ang mga proyekto, hindi dapat malala ang pagbaha ngayon sa lalawigan.
Ang pahayag ay kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Tino o Kalmaegi, kung saan nagdulot ng pagkasawi ng mga residente.
Si Cebu Governor Pamela Baricuatro naman, kinuwestiyon ang paggamit ng P26 bilyong pondo para sa mga flood control projects na tila walang epekto.
Bukas naman ang Palasyo sa anumang impormasyon o ebidensiyang ibabahagi ng gobernador para mapanagot ang sinumang sangkot sa mga iregularidad.
Inaasahang bibisita si Pangulong Marcos sa Cebu upang personal na makita ang pinsala ng bagyo. | BChannel news