Arestado ang isang helper matapos umano nitong saksakin ang mag-asawang senior citizen sa Brgy. Ayao Iyao, Lemery, Batangas, gabi ng April 23, 2026.
Kinilala ang suspek na si Mohammad Timban, nasa hustong gulang, tubong Sorsogon at kasalukuyang nakatira sa Agoncillo, Batangas. Ang mga biktima naman ay sina “Pedro,” 69 anyos, at “Araceli,” 67 anyos, parehong residente ng nasabing barangay.
Batay sa ulat ng Lemery Municipal Police Station, bandang alas-11 ng gabi nang pumasok umano ang suspek sa bahay ng mga biktima at saka sila pinagsasaksak nang ilang beses gamit ang kutsilyo.
Bandang alas-11 kwarenta ng gabi, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang concerned citizen kaya agad na rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng imbestigasyon.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga biktima at kasalukuyang nasa stable condition habang naka-confine. Samantala, naaresto rin agad ang suspek at narekober ang ginamit na patalim sa krimen.
Nasa kustodiya na ng Lemery police ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. Ayon sa pulisya, patuloy nilang paiigtingin ang mabilis na aksyon sa mga ganitong insidente upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan ng Batangas.