Timbog ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Taal Municipal Police Station sa bayan ng Taal, Batangas nitong Lunes, November 10.
Unang operasyon ay isinagawa bandang alas-5:30 ng hapon sa Brgy. Zone 2, kung saan nahuli sina Rodolfo at Jonas, kapwa street level individuals.
Narekober mula sa kanila ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.85 gramo at may halagang halos P5,700, isang cellphone, isang motorsiklo, at marked money na P500. Sumunod na operasyon naman ang isinagawa dakong alas-9:00 ng gabi sa Brgy. Zone 14 na nagresulta sa pagkakaaresto kina Jeorge at Kendi.
Nakumpiska sa kanila ang anim na sachet ng shabu na may timbang na 6.85 gramo at halagang higit P46,580, isang cellphone, at buy-bust money na P500. Ang dalawang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng koordinasyon ng PDEA at dokumentado gamit ang Alternative Recording Devices.
Kasalukuyang inihahanda ng Taal Police ang kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 laban sa mga suspek na isasampa sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office. | BChannel news