Opens in a new tab
Skip to content
Entertainment

Actress-Councilor sa Taytay na sumasayaw habang nagda-drive pinapatawag ng LTO

Posibleng tuluyang mawalan ng driver’s license ang isang konsehala ng Taytay, Rizal matapos makuhanan ng video na sumasayaw habang nagmamaneho, nang walang suot na seatbelt.

Bilang agarang aksyon, iniutos ni Land Transportation Office o LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pag-isyu ng Show Cause Order o SCO laban sa konsehala. Inaatasan din siyang isuko ang kanyang driver’s license sa Intelligence and Investigation Division o IID para sa 90-day suspension.

Batay sa video na mismong ipinost ng konsehala sa kanyang Facebook page, makikitang kinukuhanan niya ng video ang sarili habang umaandar ang sasakyan. Inaalis pa niya ang isang kamay sa manibela upang sumayaw, dahilan para mawala ang kanyang atensyon sa kalsada.

Bukod sa distracted driving, iniimbestigahan din siya sa posibleng paglabag sa Reckless Driving at Mandatory Use of Seatbelt.

Inaatasan ang konsehala na humarap sa LTO Central Office sa November 23 upang magsumite ng sinumpaang salaysay at mga dokumentong magpapaliwanag sa kanyang panig.

Ayon sa LTO, maaari ring suspendihin o tuluyang bawiin ang kanyang lisensya kung mapatunayang hindi siya karapat-dapat na magmaneho. Inalerto na rin ang sasakyang ginamit sa insidente.

Giit ni Asec. Lacanilao, hindi dapat isinasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada para lamang sa paggawa ng social media content. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na i-report ang mga insidente ng distracted driving.