Hinamon ni Senator Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa hair follicle drug test para tuldukan ang akusasyong gumagamit umano ng iligal na droga ang First Family.
Ito’y matapos sagutin ng pamangkin niyang si House Majority Leader Sandro Marcos ang paratang ng senadora at sinabing hindi ito gawain ng isang “tunay na kapatid.”
Ayon kay Imee, gustong palabasin umano ni Sandro na hindi siya tunay na Marcos. Giit niya, handa siyang magpa-DNA test, kapalit ng drug test ng kanyang kapatid at ng First Family.
Nagmula ang mga akusasyon nang magsalita si Imee sa rally ng Iglesia Ni Cristo sa Quirino Grandstand kung saan ibinunyag niyang gumagamit umano ng droga ang Pangulo, ang First Lady, at ilang malalapit na kaibigan nito.
Mariing itinanggi ng Malacañang ang paratang at tinawag itong “desperate move.”
Tanong pa ni Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil, bakit sisirain ng isang kapatid ang sarili niyang pamilya kung ang usapan sa rally ay tungkol sa anti-corruption?