Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan nang patay nitong Miyerkules, Nobyembre 20, bandang alas-3:30 ng hapon sa Sitio Hamilo, Barangay Papaya, Nasugbu.
Ayon sa Batangas Provincial Police Office, natanggap ng duty TOC ng Nasugbu Municipal Police Station ang tawag mula kay PSSg Richard Palo, duty BCP Papaya, na nagbigay-alam tungkol sa natagpuang bangkay sa gilid ng kalsada.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima ay nakasuot ng itim na shirt, maong na pantalon, at itim na sapatos. Nakasaad din na ang katawan ay nasa estado na ng pagkabulok. Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO upang ma-proseso ang crime scene at makapagsagawa ng masusing pagsusuri.
Kasabay nito, ang mga intel operatives at ang Investigation Section ng Nasugbu MPS ay nagsasagawa ng backtracking at forward-tracking sa mga CCTV camera sa paligid, at nakikipag-ugnayan sa mga kalapit na munisipalidad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
Hanggang ngayon habang isinusulat ito ng Balisong Channel news team, patuloy ang malalimang imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng pagkamatay at mga posibleng saksi. | BChannel news