Nang dahil sa mga malalaswang content ng isang pulis sa social media nagdesisyon ang Napolcom na tanggalin sa serbisyo si Police Staff Sergeant Alexis Karil Sabater.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang mga videos ay in-upload sa account na “Semi Pogi” mula Abril hanggang Hunyo 2025, kasama ang paggamit pa ng police uniform nang walang pahintulot.
Ayon sa Napolcom, ang ganitong online behavior ay nagdudulot ng masamang epekto sa imahe ng pambansang pulisya lalo na’t mabilis kumalat ang content sa social media.
Binanggit ni Napolcom Vice Chair Rafael Calinisan na ang insidente ay hindi lang simpleng paglabag sa regulasyon ng PNP, kundi malinaw na paglabag sa ethics at respeto sa kababaihan. Dagdag niya, dapat maging aral ito sa mga pulis at online creators na may responsibilidad sa bawat content na ibinabahagi.
Iginiit naman ni Sabater na para lamang umano sa personal na expression at dagdag kita ang kanyang mga videos. Ngunit matapos ang pagsusuri, pinagtibay ng Napolcom na ang “public perception” ang pinakamahalagang batayan, kaya’t idineklarang guilty si Sabater sa Conduct Unbecoming of a Police Officer at tuluyang sinibak sa serbisyo.
Pinapaalalahanan ngayon ng Napolcom ang lahat ng uniformed personnel na ang kanilang kilos maging sa online man o offline ay direktang nakaaapekto sa tiwala ng publiko.