Itinaas na ng DOST-PHIVOLCS sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano mula Alert Level 2, dahil sa patuloy na paglala ng aktibidad ng bulkan at tumataas na banta ng mapanganib na pagputok.
Ayon sa ahensya, mula Enero 1, 2026 ay naitala ang 346 rockfall events at 4 na lindol ng bulkan, dulot ng paulit-ulit na pagguho ng summit lava dome.
Napansin din ang pagdami ng mainit na debris sa gabi at ang paglabas ng bagong lava sa bunganga ng bulkan. Kaninang tanghali, nakapagtala rin ng pyroclastic density currents o uson sa Bonga Gully na umabot hanggang 2 kilometro mula sa crater.
Ipinapakita ng mga datos na may patuloy at dahan-dahang pag-angat ng magma, na nangangahulugang may nagaganap nang effusive magmatic eruption.
Dahil dito, inirerekomenda ang agarang paglikas sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone, dahil sa banta ng lava flows, uson, rockfall at posibleng pagsabog sa mga susunod na araw o linggo.
Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan, habang inaasahang sa timog na bahagi ng Mayon posibleng magkaroon ng ashfall.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng DOST-PHIVOLCS at agad na ipaaalam ang anumang bagong developments.| BChannel news