Isang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang tirahan sa Barangay Poblacion, San Juan, Batangas kagabi, ika-10 ng Enero, bandang alas-8:30 ng gabi.
Ayon sa ulat ng San Juan Municipal Police Station, bandang alas-10 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang barangay tanod na nag-uulat ng isang natagpuang patay na lalaki sa naturang lugar.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na bandang alas-4:37 ng hapon ng parehong araw, isang kaibigan ng biktima ang nakatanggap ng mensahe mula sa isang hindi kilalang Facebook account na nagtatanong kung may balita umano tungkol sa pagkamatay ng isang indibidwal na may apelyidong “Bal.”
Pagsapit ng halos alas-8 ng gabi, ipinasa ang screenshots ng naturang mensahe sa iba pang kaanak at kaibigan, dahilan upang sila ay mabahala at ipagbigay-alam ito sa barangay.
Dahil dito, humingi ng tulong ang mga saksi sa barangay at pulisya, na humantong sa pagkakatuklas sa bangkay ng biktima sa loob mismo ng kanyang bahay.
Ang nasawi ay tinatayang nasa edad na 40-45, tubong Maynila at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Poblacion, San Juan, Batangas.
Humingi na ng tulong ang pulisya sa Batangas Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing at autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay. Patuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng pulisya kaugnay sa insidente. | BChannel news