Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang liblib na lugar sa Purok Langkaan, Sitio Tres, Barangay Mangero sa San Andres, Quezon noong umaga ng Enero 11, 2026.
Ayon sa San Andres Municipal Police Station, bandang alas-9 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula kay Jovit hinggil sa pagkakatuklas ng isang patay na lalaki sa nasabing lugar.
Dakong alas-11:45 ng umaga nang makarating ang mga awtoridad at magsagawa ng paunang imbestigasyon. Lumabas sa inisyal na pagsusuri na ang biktima ay may saksak sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib, at base sa obserbasyon, sinunog pa umano ang katawan matapos masaksak.
Agad na sinigurado ng pulisya ang lugar upang mapanatili ang integridad ng pinangyarihan ng krimen. Ang bangkay ay inilagay sa kustodiya ng pulisya at isasailalim sa post-mortem examination.
Ang biktima ay kinilalang si alyas Efren, 48 anyos, may kinakasama, isang magsasaka at residente ng Sitio Tres, Barangay Mangero. Sa ngayon, wala pang nakikilalang suspek at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. | BChannel news