Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kauna-unahang National Digital Connectivity Plan ng bansa na layong pabilisin ang internet rollout, pababain ang gastos sa koneksyon, at magbigay ng mas maaasahan at ligtas na digital access sa milyun-milyong Pilipino.
Ayon sa Presidential Communications Office, bunga ito ng malawak na konsultasyon na sinimulan noong 2024.
Layunin ng plano ang isang digitally connected Philippines na may abot-kaya, mas mabilis at pantay na internet, lalo na sa mga liblib at napag-iiwanang lugar.
Kabilang din dito ang pagpapalakas ng imprastraktura sa tulong ng public-private partnerships at paghahanda laban sa sakuna at cyber threats.
Aminado ang Pangulo na nahuli ang bansa kumpara sa mga kapitbahay sa Southeast Asia, ngunit kumpiyansa siyang makakahabol ang Pilipinas dahil mas abot-kaya na ngayon ang makabagong teknolohiya.