Arestado ang isang 45 anyos na kontraktor matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril at mga bala sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant ng mga tauhan ng Lemery Municipal Police Station bandang alas-9:20 ng gabi, Pebrero 17, sa Barangay Mahabang Dahilig, Lemery, Batangas.
Kinilala ang suspek si Jerome, residente ng nasabing barangay.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant.
Sa loob ng bahay ng suspek, nakumpiska ang isang kalibre .45 na baril na may lamang sampung bala, isang ekstrang magazine na may pitong bala, karagdagang mga bala, at tatlong high-capacity magazine na may lamang mga bala. Narekober din ang isang sling bag at holster.
Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan bago siya dinala sa kustodiya ng Lemery Police para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.