Nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pansamantalang pagpapatupad ng four-day work week sa ilang tanggapan ng executive branch simula March 9.
Bahagi ito ng contingency measures ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng patuloy na krisis sa Middle East.
Gayunman, hindi saklaw ng naturang setup ang mga ahensyang nagbibigay ng emergency at essential services tulad ng pulisya, bumbero, at mga frontline public service offices.
Ipinagbawal din ng Pangulo ang mga hindi kinakailangang government travel at activities tulad ng study tours, team building, at mga meeting na maaari namang isagawa online.
Hinimok din ang lahat ng ahensya ng gobyerno na magbawas ng 10 hanggang 20 porsyento sa konsumo ng kuryente at petroleum.
Samantala, inatasan din ang DFA, DMW at OWWA na tiyaking tuloy-tuloy ang koordinasyon upang matulungan ang mga Pilipino sa Gulf region, habang nagpapatuloy na rin ang repatriation para sa mga nais umuwi sa bansa.