Arestado ang isang 40-anyos na construction worker matapos magpaputok ng baril sa Brgy. Rillo, Tuy, Batangas, gabi ng March 6.
Kinilala ang suspek na si “Onnie,” na naaresto ng mga tauhan ng Tuy Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen na nagsabing nagpapaputok umano ito ng baril habang nasa impluwensya ng alak.
Agad rumesponde ang mga pulis at nadatnan ang suspek na sakay ng tricycle habang may baril na nakasukbit sa kanyang baywang, dahilan upang siya ay arestuhin.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang Smith and Wesson caliber .22 Magnum revolver na may tatlong bala at isang holster.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Tuy Municipal Police Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | BChannel News