Arestado ang isang 18-anyos na construction worker matapos umanong mahulihan ng marijuana sa isinagawang checkpoint ng pulisya sa Barangay Dulangan, San Luis, Batangas madaling araw ng Lunes, March 9.
Kinilala ang suspek na si “Miko,” residente ng Barangay San Jose sa nasabing bayan.
Batay sa ulat ng San Luis Municipal Police Station, bandang 12:55 ng madaling araw nang magsagawa ng checkpoint operation ang mga pulis sa lugar. Habang pinapahinto at sinusuri ang isang motorsiklo na may driver at back rider, napansin umano ng mga pulis na dahan-dahang lumayo ang back rider at itinapon ang isang plastic sachet at tube pipe na may lamang hinihinalang marijuana.
Agad itong narekober ng mga operatiba at doon na rin inaresto ang suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang plastic sachet na may tinatayang 3 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 360 pesos, at isang tube pipe na may bakas din ng nasabing ilegal na droga.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng San Luis Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165 sa Provincial Prosecutor’s Office.
Samantala, muling iginiit ng Batangas Police Provincial Office ang kanilang patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa buong lalawigan para sa bawat Batangueño. | BChannel News