Isang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa tabi ng kalsada sa Purok 4, Barangay Bunggo sa Calamba City, Laguna madaling araw ng March 9.
Ayon sa ulat ng Calamba City Component Police Station, nadiskubre ang bangkay ng isang lalaki na nakahandusay sa gilid ng kalsada. Batay sa impormasyon mula sa Barangay Quick Response Team ng Barangay Laguerta, ilang concerned citizens na sakay ng motorsiklo ang unang nakapansin sa katawan habang dumaraan sa lugar.
Agad nilang ipinaalam ang insidente sa City Disaster Risk Reduction and Management Office upang maabisuhan ang pinakamalapit na barangay. Ngunit dahil walang agarang tugon, personal silang nagtungo sa Barangay Bunggo kung saan nakumpirma na sakop ng nasabing barangay ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay.
Sa masusing pag-inspeksyon sa crime scene, nakita malapit sa katawan ang isang itim na short, isang long-sleeved shirt na may bahid ng dugo, at isang malaking piraso ng tela na basang-basa rin sa dugo.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang motibo sa krimen.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ng backtracking sa mga CCTV camera sa paligid ng lugar habang humingi na rin ng tulong ang pulisya sa SOCO ng Police Regional Office 4A para sa mas masusing crime scene processing. | BChannel News