Patay ang isang 72 anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng kaniyang nakaalitang kapwa negosyante sa Purok 1, Barangay Lodlod, Lipa City, Batangas, hapon ng March 8.
Kinilala ang biktima na si Victoriano, residente ng nasabing barangay. Ayon sa imbestigasyon ng Lipa City Component Police Station, bandang alas-3 ng hapon nang lumabas ng kaniyang bahay ang biktima at doon siya hinarap ng suspek na si Vevencio, 69 anyos, residente rin ng Barangay Lodlod at tubong Batangas City.
Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima ng ilang beses.
Tinamaan ang biktima sa ulo at mga braso na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay sa pinangyarihan ng insidente.
Mabilis namang rumesponde ang mga mobile patrol ng Lipa CCPS at sa kanilang agarang pagdating sa lugar ay naaresto ang suspek.
Narekober mula sa kaniyang pag-iingat ang isang Taurus caliber 9mm pistol na may serial number na TVE 94128, kasama ang isang magazine na may lamang sampung live ammunition.
Kaagad ding ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kaniyang pagkakaaresto at binasa sa kaniya ang kaniyang mga karapatang naaayon sa Saligang Batas.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong motibo sa pamamaril.
Inihahanda na rin ang kaukulang kasong kriminal laban sa suspek. | BChannel News