Isang lalaki ang pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa loob mismo ng kanyang compound sa Lucena City, Quezon nitong Lunes, March 9.
Batay sa ulat ng Lucena Component City Police Station, naganap ang insidente bandang alas-9:20 ng umaga sa kahabaan ng Iyam-Talim Road sa Barangay Isabang.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalakad umano ang biktima sa loob ng kanilang compound nang biglang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo. Walang babala, pinaputukan ng mga suspek ang biktima at tinamaan ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng kanilang motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Ibabang Talim, dala pa ang baril na ginamit sa krimen.
Agad namang rumesponde ang mga pulis matapos matanggap ang ulat tungkol sa insidente. Nagtungo ang mga duty patroller at imbestigador sa lugar ng pinangyarihan at sa Hospital kung saan dinala ang biktima para sa agarang gamutan.
Sa kasalukuyan ay patuloy na ginagamot ang biktima sa nasabing ospital habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Samantala, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang dalawang suspek na responsable sa pamamaril.
Kasalukuyan ding nire-review ng pulisya ang mga CCTV footage sa lugar upang makatulong sa pagkilala sa mga salarin at ang motibo sa naturang krimen. | BChannel News