Patay ang isang 23-anyos na lalaki habang sugatan naman ang kaniyang kasama matapos silang pagbabarilin ng dalawang suspek sa gitna ng isang birthday party sa Barangay Pulangbato, San Juan, Batangas, hatinggabi ng March 11 hanggang madaling araw ng March 12.
Batay sa ulat ng San Juan Municipal Police Station, bandang 12:20 ng madaling araw nang makatanggap sila ng tawag mula sa staff ng San Juan District Hospital matapos isugod doon ang dalawang biktima na kapwa may tama ng baril.
Kinilala ang nasawi na si Mark, 23 anyos, residente ng Barangay Pulangbato, na idineklarang dead on arrival sa ospital. Sugatan naman sa kaliwang paa ang ikalawang biktima na si Jomare, 21 anyos, na residente rin ng nasabing barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na bandang 11:50 ng gabi ay nag-iinuman ang mga biktima at mga suspek sa isang birthday party sa lugar nang magkaroon umano ng mainitang pagtatalo. Sa kasagsagan ng argumento, isa sa mga suspek ang bumunot ng hindi pa matukoy na uri ng baril at pinaputukan nang ilang beses ang mga biktima.
Dahil dito, agad na bumulagta ang unang biktima habang tinamaan naman sa paa ang kaniyang kasama.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang dalawang suspek na kinilalang sina Jun-jun at Jr., kapwa nasa hustong gulang at residente ng Barangay Sampiro, San Juan, Batangas. Ayon sa pulisya, tumakas ang mga ito sakay ng motorsiklo patungo sa nasabing barangay.
Patuloy ngayon ang follow-up operation ng San Juan police para sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek habang isinasagawa rin ang mas malalim na imbestigasyon sa motibo ng pamamaril. | BChannel News