Arestado ang isang 52-anyos na lalaki matapos makuhanan ng umano’y shabu at baril sa isinagawang search warrant operation sa Barangay Biga, Lobo, Batangas noong March 13.
Kinilala ang suspek na si “Marong,” isang mangingisda at residente ng nasabing barangay.
Pinangunahan ng Lobo Municipal Police Station kasama ang Provincial Mobile Force Company ang operasyon batay sa search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 66 sa Tanauan City kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa operasyon, nakumpiska ang isang 9mm pistol, magazine, isang bala, at apat na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na mahigit 5 gramo at halagang nasa mahigit P36K.
Dinala na sa kustodiya ng Lobo Police ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya para sa paglabag sa drug at firearms law. | BChannel News