Patay ang isang 47 anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng sarili niyang anak na menor de edad sa Brgy. Sta. Clara, Batangas City, kahapon ng alas 2 ng hapon, March 16.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Batangas Component City Police Station, nadatnan umano ng suspek ang kanyang ama na gumagamit ng ilegal na droga o shabu. Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama.
Sa gitna ng kanilang argumento, kumuha umano ng fan knife ang menor at sinaksak ang kanyang ama sa leeg na agad na ikinamatay ng biktima na kinilalang si Felimon, 47 anyos, at residente ng nasabing barangay.
Matapos ang insidente, kusa namang sumuko ang menor sa mga opisyal ng barangay sa Sta. Clara.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at humingi na rin ng tulong sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa masusing technical investigation.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Batangas Component City Police Station ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Parricide sa Batangas City Prosecutor’s Office. | BChannel News