Patay ang isang 60-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanyang restaurant sa Barangay Laiya Ibabao, San Juan, Batangas kagabi, March 23, bandang 7:50 PM.
Kinilala ang biktima na si Dionisio, residente ng Sitio Hulo II, Barangay Laiya Aplaya.
Ayon sa imbestigasyon ng San Juan Police Station, nasa loob ng kanyang establisimyento ang biktima nang dumating ang dalawang suspek sakay ng itim na motorsiklo.
Isa sa mga suspek na nakasuot ng helmet ang bumaba at agad na pinaputukan ang biktima ng ilang beses, na tumama sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo papunta sa direksyon ng Barangay Bataan.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen. | BChannel News