Nasangkot sa isang rollover car accident sa Florida ang golf legend na si Tiger Woods ilang araw lang matapos ang kanyang pagbabalik sa professional golf.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente matapos umano siyang mag-overtake nang mabilis sa isang two-lane road, kung saan tumama ang kanyang sasakyan sa isang truck bago tuluyang tumaob. Siya lamang ang sakay ng sasakyan at ligtas na nakalabas, habang wala ring ibang nasaktan sa insidente.
Gayunman, napansin ng mga awtoridad ang senyales ng impairment kay Woods. Bagama’t negatibo siya sa alcohol test, pinaniniwalaang posibleng gamot o droga ang nakaapekto sa kanyang kondisyon. Tumanggi rin umano siyang sumailalim sa karagdagang drug test, dahilan upang siya ay kasuhan ng driving under the influence o DUI, at refusal to submit sa pagsusuri.
Ayon sa sheriff, mas malala pa sana ang naging resulta ng aksidente dahil sa makitid na kalsada kung saan ito nangyari.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Donald Trump, na nagsabing nalulungkot siya sa nangyari sa kanyang kaibigan.
Hindi na ito ang unang insidente ni Woods na may kaugnayan sa aksidente at DUI, ngunit sa kabila nito, nananatili siyang isa sa pinaka-matagumpay at kilalang golfer sa buong mundo.