Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang marijuana sa loob ng Batangas Passenger Terminal sa Brgy. Sta. Clara, Batangas City nitong March 26, 2026.
Sa initial report, habang dumadaan sa routine baggage inspection sa boarding gate ng Port of Batangas, napansin ng isang lady frisker ang kahina-hinalang laman ng bag ng suspek.
Nang ipabukas ang dala nitong kahon ng sigarilyo, doon tumambad ang isang plastic sachet ng hinihinalang marijuana at isang glass tube na ginamit umano bilang paraphernalia.
Agad rumesponde ang Coast Guard at nag-deploy ng K9 unit na nagpositibo sa illegal drugs, dahilan para arestuhin ng Philippine National Police ang suspek na residente ng San Pascual, Batangas, sa loob mismo ng terminal.
Narekober sa kanya ang tinatayang 2 gramo ng marijuana na may halagang nasa 240 pesos, kasama ang ginamit na lalagyan, ferry ticket papuntang Calapan, Oriental Mindoro, at isang itim na bag.
Dinala na sa PNP Batangas City ang mga ebidensya para sa laboratory examination habang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.