Isang convenience store sa Batangas City ang hinoldap kaninang madaling araw matapos pasukin ng armadong lalaki ang naturang tindahan sa Brgy. Gulod Itaas.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Batangas CCPS, nangyari ang insidente bandang 12:40 AM kung saan tinutukan ng baril ang store crew na si Jelmark ng isang hindi pa nakikilalang suspek.
Tinangay ng suspek ang humigit-kumulang P15,000 piso mula sa tindahan bago agad na tumakas sakay ng itim na motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng puting helmet, itim na jacket, maong pants at puting sapatos.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad, kabilang ang dragnet operation at koordinasyon sa SOCO, para matukoy at maaresto ang suspek.