Pinayagan ng Iran ang ligtas at tuloy-tuloy na pagdaan ng Philippine-flagged vessels at Filipino seafarers sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Foreign Affairs, kasunod ng pag-uusap ng mga opisyal ng dalawang bansa.
Ayon sa DFA, mahalaga ang assurance na ito dahil direktang apektado ang Pilipinas sa daloy ng oil at fertilizer imports mula Middle East, lalo na sa gitna ng tumataas na tensyon sa rehiyon.
Nilinaw din ng ahensya na walang ipapataw na toll fee ang Iran, taliwas sa mga ulat na may planong singil kada barrel ng langis.
Nangyari ang pag-uusap matapos iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pakikipag-dialogue sa Tehran para matiyak ang safe passage ng mga barkong may kargang suplay papuntang Pilipinas.
Patuloy namang nakaapekto ang sitwasyon sa Strait of Hormuz sa global oil prices, na nagdudulot ng pangamba sa supply at presyo ng enerhiya sa iba’t ibang bansa.