Nilinaw ng Provincial Government of Batangas na ang pamamahagi ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF sa ilalim ng barangay support program ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. ay dumadaan sa mahigpit na proseso at requirements, at hindi base sa pulitika.
Ayon sa pahayag, ang pag-release ng pondo ay nakadepende sa kumpletong dokumento at pagsunod sa guidelines ng Office of the President at mga national agencies. Binigyang-diin din ni Executive Secretary Ralph G. Recto na ang programa ay para sa kapakanan ng mga barangay at mga estudyante, at hindi ginagamit para sa political interest.
Iginiit ng pamahalaang panlalawigan na walang direktang partisipasyon ang Office of the Governor sa pagpili kung aling barangay ang makakatanggap ng pondo. Ang kanilang papel ay tumulong lamang sa maayos at mabilis na implementasyon ng programa ayon sa utos ng national government.
Sa datos ng probinsya, 980 sa 1,078 barangays sa Batangas ang nakatanggap na ng tulong. Para naman sa natitirang barangays, ipagpapatuloy ang release ng pondo kapag kumpleto na ang kanilang requirements. May ilang tseke rin na hindi pa nakukuha dahil sa hindi pagdalo sa schedule ng distribution, habang ang iba ay naantala dahil kulang ang dokumento.
Dahil dito, itinanggi ng Batangas LGU ang mga alegasyong may bahid pulitika ang pamamahagi ng pondo, at sinabing unfair ito sa proseso. Compliance, hindi pulitika, ang basehan ng release ng tulong.
Nanawagan naman ang pamahalaang panlalawigan sa mga opisyal at stakeholders na iwasan ang pagpo-politicize ng programa. Giit nila, ang serbisyong para sa mamamayan ay hindi dapat naaapektuhan ng maling impormasyon o ingay ng pulitika.
Sa huli, tiniyak ng Batangas LGU ang patuloy na suporta sa layunin ng national government na maipatupad ang mga programa nang mabilis, patas, at transparent para sa lahat ng barangay.