Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang Subdivision sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules ng tanghali.
Base sa paunang imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, nakarinig umano ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente bandang 12:45 PM bago nila nakita ang dalawang biktima na duguang nakahandusay sa kalsada, katabi ang isang itim na motorsiklo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jordan, 42-anyos, at King, 19-anyos, kapwa residente ng Rodriguez, Rizal.
Agad rumesponde ang mga pulis at isinailalim sa crime scene investigation ang lugar habang nagsagawa rin ng dragnet operation para matukoy ang tumakas na suspek.
Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa mas malalim na imbestigasyon.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng gunman at ang posibleng motibo sa pamamaril.