Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 ang petisyon ni Atty. Mans Carpio na humihiling na mapigilan ang impeachment proceedings ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa limang pahinang utos ng korte na pirmado ni Presiding Judge Madonna Echiverri noong May 6, sinabi ng RTC na wala itong hurisdiksyon para panghimasukan ang constitutional power ng House of Representatives, partikular ng House Committee on Justice, sa pagproseso ng impeachment complaint.
Ayon sa korte, malinaw sa 1987 Constitution na ang Kamara ang may exclusive power para simulan ang impeachment cases, habang may legal ding kapangyarihan ang House Committee on Justice na mag-isyu ng subpoena at humingi ng mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang imbestigasyon.
Tinanggihan din ng RTC ang hiling na writ of preliminary injunction laban kina House Speaker Bojie Dy, House Justice Committee Chairperson Gerville Luistro, at BIR Commissioner Charlito Mendoza.
Binigyang-diin pa ng korte na kung may seryosong constitutional issues, ang tamang forum ay ang Korte Suprema at hindi ang Regional Trial Court.
Kasunod ito ng pag-apruba ng House Committee on Justice sa Articles of Impeachment laban kay VP Duterte, na inaasahang isasalang sa plenaryo ng Kamara para sa susunod na hakbang sa proseso. | BChannel news