Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal matapos pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na suspek sa kahabaan ng Jovil 3, Barangay San Isidro sa Rodriguez, Rizal, Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Rodriguez Municipal Police Station, bandang alas-9 ng gabi nang mangyari ang insidente at nai-report ito alas-9:20 ng gabi matapos makatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang kanilang Tactical Operation Center.
Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar at dito nila natagpuan ang mga biktima na nakahandusay sa kalsada at duguan.
Sa ngayon, wala pang pagkakakilanlan sa mga biktima habang nananatiling hindi pa tukoy ang suspek na agad tumakas matapos ang insidente.
Agad namang kinordon ng mga awtoridad ang crime scene para sa masusing imbestigasyon sa tulong ng Rizal Provincial Forensic Unit.
Nagsagawa na rin ng dragnet operation ang pulisya habang nagpapatuloy ang follow-up investigation para matukoy ang salarin at alamin ang motibo sa pamamaril.