Nagpapatuloy ang Meralco PowerGen Corporation o MGEN sa pagpapalawak ng kanilang energy projects sa gitna ng pagtaas ng demand sa kuryente at pagbabago sa sitwasyon ng energy supply sa bansa at buong mundo.
Ayon sa kumpanya, layunin nitong makatulong sa pagkakaroon ng sapat, matatag, at mas sustainable na suplay ng kuryente sa Pilipinas.
Sinabi ni MGEN President at CEO Emmanuel Rubio na mahalagang mapanatiling stable ang power supply lalo na habang dumarami ang renewable energy projects tulad ng solar power. Aniya, kailangan pa rin ng dependable na power capacity para masuportahan ang grid at matugunan ang pangangailangan ng consumers at negosyo.
Kabilang sa mga proyekto ng kumpanya ang pagpapalawak ng solar energy at battery storage systems. Noong Marso 2026, unang pinatakbo ng Terra Solar Philippines ang 250 megawatts na solar capacity nito at bahagi ng battery energy storage system na kayang magbigay ng supply kahit gabi gamit ang nakaimbak na solar energy. Ayon sa MGEN, ito na umano ang pinakamalaking operational battery energy storage system sa bansa sa ngayon.
Mayroon na rin umanong mahigit 400 megawatts na renewable energy capacity ang MGEN mula sa mga solar sites nito sa Bulacan, Ilocos Norte, Rizal, Nueva Ecija, Isabela, Batangas, at Tarlac.
Bukod dito, may investments din ang kumpanya sa liquefied natural gas o LNG projects sa Pilipinas at Singapore bilang bahagi ng mas mababang carbon emission technologies.
Kasabay ng renewable energy projects, ipinagpapatuloy din ng MGEN ang operasyon ng kanilang thermal at baseload power plants sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Kabilang dito ang mga planta sa Iloilo at Cebu na tumutulong sa stable na suplay ng kuryente sa ilang pangunahing lugar gaya ng Boracay at Iloilo International Airport.
Tuloy rin ang development ng ilang proyekto kabilang ang battery storage project sa Toledo, Cebu at isang 1,200 megawatt coal-fired power plant sa Atimonan, Quezon na target makumpleto bago mag-2030. Ayon sa kumpanya, gagamit ito ng mas modernong teknolohiya upang mapababa ang emissions habang tumutugon sa lumalaking demand sa enerhiya.
Habang inaasahang mas tataas pa ang konsumo ng kuryente pagsapit ng 2040, sinabi ng MGEN na patuloy nitong pagsasamahin ang renewable energy, storage systems, at iba pang power sources upang makatulong sa mas matatag at tuloy-tuloy na supply ng kuryente sa bansa.