Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Babae, natagpuang walang buhay sa isang beach resort sa Taal, Batangas; 2 menor de edad sinugod sa ospital

Lalaki, Sugatan sa Pananaksak sa Talisay, Batangas

Natagpuang walang buhay ang isang 37-anyos na babae habang dalawang menor de edad naman ang naisugod sa ospital matapos ang insidente sa isang beach resort sa Brgy. Butong, Taal, Batangas nitong Sabado ng hapon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-2:30 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa barangay chairman kaugnay ng umano’y insidente sa loob ng resort.

Ayon sa caretaker ng resort, dumating umano ang mag-iina sa resort bandang alas-10 ng umaga noong May 22 pero maaga pa para mag-check in kaya nagpunta muna sila sa beach.

Pagsapit ng alas-2 ng hapon, nakakuha sila ng kwarto at nagpatuloy sa kanilang leisure activities bago bumalik sa kanilang room pagsapit ng gabi.

Kinabukasan, tanghali nang paulit-ulit na katukin ng caretaker ang kanilang silid para ipaalala ang check-out time pero wala umanong sumasagot. Dahil dito, ipinagbigay-alam na ito sa may-ari ng resort na nag-utos na buksan ang kwarto.

Pagpasok sa silid, natagpuan umano ang babae na nakahiga sa kama at may bakas ng dugo sa katawan habang nasa sahig naman ang dalawang menor de edad na humihinga pa. Agad silang dinala sa ospital sa Lemery para malapatan ng lunas.

Sa pagproseso ng crime scene, napansin umano ng mga imbestigador ang mabahong amoy sa loob ng kwarto. May nakita rin umanong mga lalagyan na may uling, insenso at iba pang sinunog na materyales sa banyo habang natatakpan ng tuwalya at masking tape ang mga ventilation ng silid.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang detalye at ang tunay dahilan ng pagkasawi ng babae habang humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad sa SOCO, MSWD at iba pang concerned agencies para sa mas malalim na imbestigasyon at pag-alalay sa mga batang nakaligtas. | BChannel News