Opens in a new tab
Skip to content
Politics

ES Ralph Recto, iginiit na walang basehan ang reklamo sa PhilHealth Funds Case

Iginiit ni Executive Secretary Ralph Recto na ang kinakaharap na reklamo laban sa kanya kaugnay ng paglipat ng PhilHealth funds ay isang “harassment” at walang basehan.

Ayon kay Recto, ang naturang paglipat ng pondo ay ginawa dahil ito ay iniutos ng batas sa ilalim ng General Appropriations Act of 2024, kaya aniya wala siyang nilabag at ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang kalihim ng Department of Finance noong panahong iyon.

Giit pa ni Recto, pinagtibay rin umano ng ilang mahistrado ng Korte Suprema sa kani-kanilang opinyon na wala siyang criminal liability dahil kumilos siya nang may good faith at sumunod sa batas.

Binanggit din sa mga opinyon na wala umanong sapat na ebidensya ng plunder o technical malversation at walang indikasyon na napunta sa personal na pakinabang ang pondo.

Sa hiwalay na pahayag ng Korte Suprema noong Disyembre 2025, sinabi rin na ang ilang justices sa separate opinions ay nagsabing walang pananagutang kriminal ang finance secretary sa implementasyon ng naturang probisyon, at kumilos ito batay sa legal na mandato at clearance mula sa mga ahensya ng gobyerno.

Samantala, iniulat na nasa 60 bilyong piso na ang naibalik sa PhilHealth mula sa naturang pondo.

Tinawag din ni Recto na libelous at maling paratang ang alegasyon na nagkaroon siya ng personal na pakinabang sa pondo, at iginiit na wala siyang direktang kontrol o access sa perang ito.

Sa huli, kinuwestyon din niya kung sino ang posibleng nasa likod ng kaso, at sinabing tila layunin lamang nito na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa isyu ng korapsyon na ibinabato sa nagsampa ng reklamo.