Nanawagan si Navotas Representative Toby Tiangco ng mas mahigpit na transparency at accountability sa national budget, kasunod ng desisyon ng Supreme Court o SC na nagdeklara ng ilang probisyon ng 2024 at 2025 General Appropriations Acts o GAAs na unconstitutional kaugnay ng Unprogrammed Appropriations.
Ayon kay Tiangco, kinukumpirma ng ruling ang mga matagal na niyang kinukuwestiyon sa Kongreso, kabilang ang kakulangan ng dokumentasyon sa mga pagbabagong ginawa sa budget ng bicameral conference committee, malawak na kapangyarihan sa paggasta, at pangangailangan ng mas mahigpit na fiscal safeguards.
“Matagal na nating ipinaglalaban na dapat malinaw sa taumbayan kung saan napupunta ang bawat pisong galing sa kanilang buwis. Hindi puwedeng may mga pagbabago sa budget na walang malinaw na paliwanag at pananagutan.”
Ikinuwento rin ni Tiangco na hiniling niyang muling buksan ang plenary deliberations sa budget ng House of Representatives para masuri ang paggastos nito, pero hindi pinagbigyan ang kanyang mosyon.
Dagdag pa niya, kinukuwestiyon niya ang paglilipat umano ng foreign-assisted projects sa Unprogrammed Appropriations, na aniya ay nagbigay ng mas malaking puwang sa Programmed Appropriations para sa mga proyektong maaaring pagkakitaan sa pamamagitan ng pagbebenta.
“Hindi ito simpleng pagbabago sa budget kundi isang sistemang ginawa para magkaroon ng pagkakataong magnakaw sa kaban ng bayan.”
Samantala, ipinaliwanag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na hindi labag sa Konstitusyon ang Unprogrammed Appropriations bilang konsepto, dahil maaari itong magsilbing nakalaang pondo para sa hindi inaasahang pangangailangan ng bansa, lalo na sa panahon ng krisis.
Gayunman, ayon sa posisyon ni Gesmundo, hindi maaaring basta dagdagan ng Kongreso ang halagang iminungkahi ng Executive Department para rito. Kung may idaragdag, dapat katumbasan ito ng pagbabawas sa Programmed Appropriations o pondong nakalaan na para sa mga programa at proyekto ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Tiangco na mahalaga ang ruling sa gitna ng patuloy na pagsisiyasat sa mga umano’y iregularidad sa flood control spending. Aniya, kapag hindi malinaw kung sino ang nagpasok ng pondo, saan ito inilaan, at paano ginastos, maaaring magkaroon ng pagkakataon para sa pang-aabuso at korapsyon.
Bumoto rin si Tiangco laban sa panukalang 2027 national budget dahil sa kanyang mga alalahanin sa transparency, accountability, at mahusay na paggamit ng pondo ng gobyerno.
“Kung tayo mismo sa Kongreso ay humihingi ng transparency at accountability sa ibang ahensya ng gobyerno, dapat handa rin tayong sumailalim sa parehong pamantayan. Hindi puwedeng tayo ang gumagawa ng budget, pero tayo rin ang ayaw magpaliwanag.”
Giit pa ng mambabatas, dapat maging bukas ang budget deliberations, malinaw ang mga pagbabago sa bicameral proceedings, at mas mahigpit ang pagsusuri sa discretionary funds at pagpapatupad ng mga aprubadong proyekto.