Iniutos ng Philippine National Police ang masusing imbestigasyon sa hinihinalang pagsabotahe sa isang mahalagang power transmission line sa Batangas na nakaapekto sa suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng bansa.
Ito ay matapos matuklasan ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na naputol ang conductor ng Ilijan-Tayabas 500-kilovolt transmission line sa pagitan ng Towers 129 at 130 sa Barangay Haligue Silangan, Batangas City.
Naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga noong May 13, dahilan upang magka-aberya sa power supply sa Luzon at Visayas.
Ayon kay PNP Chief Geeral Jose Melencio Nartatez Jr., agad nang ini-deploy ang specialized investigation at intelligence units para tukuyin kung may naganap ngang sabotage. Inatasan din ang mga imbestigador na bilisan ang proseso at tukuyin ang mga posibleng responsable kung ito ay sinadyang gawin.
Sinabi ng NGCP na ang insidente ay lalong nagpalala sa manipis na power reserves, na nagresulta sa sunod-sunod na red at yellow alerts sa power grids ng Luzon at Visayas.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na ang pulisya sa local officials habang nagsasagawa ng onsite investigation ang forensic teams para makakuha ng ebidensya.
Samantala, pinaigting din ang seguridad sa iba pang critical facilities sa bansa upang maiwasan ang kaparehong insidente. | BChannel News