Itinanggi ng Malacañang ang mga paratang na tinatarget umano ng administrasyon ang mga miyembro ng Senate majority bloc sa gitna ng mga reklamo at imbestigasyon na kinasasangkutan ng ilang senador.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi totoo na may politikal na motibo ang mga isyu laban sa mga mambabatas. Giit niya, matagal na umanong umiikot ang mga alegasyon bago pa nabuo ang kasalukuyang 13-member majority bloc sa Senado.
Binanggit ni Castro ang mga usapin na may kinalaman kay Senator Rodante Marcoleta, kabilang ang alegasyon sa campaign funds at diumano’y hindi naideklarang donasyon na umaabot sa humigit-kumulang 75 million pesos. Ayon sa kanya, ang mga impormasyong ito ay lumabas mula sa mga disclosure at media reports, at hindi nagsimula sa administrasyon.
Nilinaw din ng Malacañang na si Senator Marcoleta mismo ang nagbanggit ng tungkol sa kanyang mga donors sa ilang ulat, kaya hindi ito maituturing na galing sa executive branch.
Samantala, kaugnay naman ng isyu laban kay Senator Jinggoy Estrada hinggil sa umano’y koneksyon sa flood control projects, sinabi ni Castro na matagal na rin itong lumulutang bago pa ang pagbuo ng Senate majority bloc.
Dagdag pa niya, kung may mangyayaring pormal na imbestigasyon, ito ay isasagawa ng Office of the Ombudsman nang independent at hindi makikialam ang Malacañang. | BChannel News