Opens in a new tab
Skip to content
News

Rizal Historic Trail sa Germany binuksan, pamana ni Rizal muling binuhay

Pormal nang binuksan ang Rizal Historic Trail sa Wilhelmsfeld at Heidelberg, Germany kung saan muling tinahak ang rutang dinaanan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal noong siya ay nag-aaral sa Europa.

Pinangunahan ni Senadora Loren Legarda ang aktibidad noong June 20, isang araw matapos ang ika-165 kaarawan ni Rizal, bilang bahagi ng pagpapatibay sa alaala at ambag nito sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagsimula ang programa sa Wilhelmsfeld bago ang paglalakad patungo sa Heidelberg University Eye Clinic, kung saan nag-aral si Rizal ng optalmolohiya noong 1886.

Ayon kay Legarda, ipinapakita ng trail na ang kabayanihan umano ay nagsisimula sa mga simpleng gawain tulad ng araw-araw na paglalakad ni Rizal noon.

Kasabay nito, tiniyak ng senadora ang patuloy na suporta sa proyekto sa pamamagitan ng Philippine Consulate sa Frankfurt at National Commission for Culture and the Arts para sa pagpapalagay ng mga marker sa ruta.

Bahagi rin ng mas malawak na proyekto ang pangangalaga sa Ullmer vicarage, ang tinuluyang bahay ni Rizal sa Germany na planong gawing museo, pati na ang mga exhibit at research tungkol sa koneksyon ng Pilipinas at Germany sa kasaysayan at kultura.

Sa mensahe ni Legarda, sinabi niyang ang trail ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan upang maipasa sa susunod na henerasyon ang diwa ng kabayanihan at pagkakakilanlan ng Pilipino.