Patay ang isang 17-anyos na lalaki matapos masangkot sa isang kaguluhan sa kasagsagan ng Regada Festival sa P. Burgos Avenue, Barangay San Roque, Cavite City, pasado ala-una ng hapon kahapon.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Police Regional Office CALABARZON, nagsimula umano ang gulo nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa suntukan sa pagitan ng isang lalaki at tiyuhin ng biktima. Sa gitna ng komosyon, lumapit ang menor de edad upang tumulong sa kanyang kamag-anak.
Habang nagkakagulo, bigla umanong tinamaan sa leeg ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na matalim na bagay. Dahil sa sugat, bumagsak siya sa sementadong kalsada at duguang nagtamo ng matinding pinsala.
Agad siyang dinala sa Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival.
Samantala, naaresto ng mga rumespondeng pulis ang isa sa mga sangkot sa insidente. Patuloy naman ang follow-up operation upang matukoy at mahuli ang isa pang suspek na umano’y tumakas matapos ang pangyayari.
Inihahanda na ang kaukulang kaso habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng Cavite City Police Station sa insidente. | BChannel News