Opens in a new tab
Skip to content
Politics

Pag-angat ng Pilipinas bilang Upper Middle-Income Country, gustong busisiin ni Sen. Legarda

Hindi sapat na tumaas ang katayuan ng ekonomiya ng bansa kung hindi naman ito ramdam ng mga ordinaryong Pilipino.

Ito ang diin ni Senator Loren Legarda matapos maghain ng Senate Resolution No. 505, na humihiling ng pagdinig sa Senado kaugnay ng bagong pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang Upper Middle-Income Country o UMIC.

Noong July 1, 2026, itinaas ng World Bank ang antas ng Pilipinas matapos maitala ang Gross National Income per capita na $4,850 noong 2025, mas mataas sa itinakdang threshold na $4,636. Matapos ang halos 39 na taon sa lower-middle-income category, nakalipat na rin ang bansa sa mas mataas na income classification.

Gayunman, sinabi ni Legarda na hindi dapat agad ipagpalagay na middle class na ang karaniwang Pilipino. Aniya, nananatili pa rin ang mga hamon tulad ng kahirapan, underemployment, korapsyon, at pagdepende ng ekonomiya sa remittances ng mga OFW.

Sa ilalim ng resolusyon, inaatasan ang Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev, katuwang ang Department of Finance at iba pang ahensya, na magsumite ng ulat tungkol sa magiging epekto ng UMIC status sa ekonomiya, mga pautang, pamumuhunan, at serbisyo ng pamahalaan.

Binanggit din ni Legarda na ang pag-angat ng Pilipinas ay bunga ng kontribusyon ng mga OFW, manggagawa, magsasaka, mangingisda, propesyunal at iba pang Pilipino sa loob ng maraming dekada.

Para sa senador, ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay hindi lamang pagtaas ng economic indicators, kundi kung mas gumagaan ba ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino.