Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang patay at nakagapos sa Sitio Maxi, Barangay Natipuan, Nasugbu, Batangas gabi ng July 12.
Ayon sa Police Regional Office CALABARZON, nadiskubre ang bangkay matapos mapansin ng isang residente na si Amadeo, 43-anyos, ang isang payong sa gilid ng kalsada habang pauwi sakay ng kanyang motorsiklo. Nang tingnan niya ang lugar, nakita niya ang isang taong nakahandusay kaya agad niyang iniulat ito sa barangay.
Sa pagresponde ng mga awtoridad, natagpuan ang biktima na wala nang buhay, nakatali ang mga kamay at paa gamit ang cable ties, habang may yellow packaging tape sa bibig at mata at may itim na telang nakabalot sa mukha.
Wala ring nakuhang anumang pagkakakilanlan o personal na gamit sa lugar. Nakasuot umano ang biktima ng itim na sweatshirt, fatigue pants, at itim na rubber shoes.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station, kabilang ang pagbusisi sa posibleng CCTV footage at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima at ng mga posibleng suspek gayundin ang motibo sa krimen. | BChannel news