Opens in a new tab
Skip to content
News

NBI, bubuo ng task force para busisiin ang P10-B na pondo ng SEA GAMES 2019

Bubuo ang National Bureau of Investigation o NBI ng isang special task force upang imbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa pagtatayo ng New Clark City Sports Complex na ginamit sa 2019 Southeast Asian Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kabilang sa sisilipin ng grupo ang ulat na may humigit-kumulang ₱10 bilyong pondo na hindi umano naliliquidate at mga pondong inilabas nang walang public bidding.

Kasama rin sa imbestigasyon ang kontrobersyal na ₱50 milyong cauldron na naging usap-usapan noong isinagawa ang SEA Games.

Sinabi ni Matibag na mayroon nang mga dokumentong sinusuri ang NBI at maaaring mag-imbita ng mga taong may kaugnayan sa proyekto, kabilang si Senador Alan Peter Cayetano, na namuno noon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee.

Iginiit naman ng NBI na hindi pulitika ang dahilan ng pagsisimula ng naturang imbestigasyon.