Opens in a new tab
Skip to content
National

Panukalang Tax Relief para sa Manggagawa, Inihain sa Senado

Mas malaking take-home pay at mas mababang buwis para sa mga manggagawa ang layunin ng panukalang Keeping Incomes Tax-relieved and Augmented o KITA Act na inihain ni Senadora Loren Legarda sa Senado.

Sa ilalim ng panukala, itataas sa P400,000 ang taunang income tax exemption, kaya ang mga kumikita ng humigit-kumulang P33,000 kada buwan ay hindi na sakop ng income tax.

Kasama rin sa panukala ang pagtaas ng tax-free ceiling para sa bonuses sa P150,000, at pag-alis ng buwis sa overtime pay, holiday pay, night shift differential, hazard pay, at service charges.

Ayon kay Legarda, mahalagang maprotektahan ang kita ng mga manggagawa sa panahon ng mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin. Batay sa datos, nanatili sa 6.4 percent ang inflation noong Hunyo 2026, habang patuloy ring naaapektuhan ng mataas na presyo ng langis ang gastusin ng mga pamilya.

Kabilang din sa panukala ang awtomatikong pag-aayos ng tax brackets kada limang taon upang makasabay sa inflation. May mga probisyon din para sa maliliit na negosyo, kabilang ang pagtaas ng VAT-exempt threshold mula P3 milyon tungo sa P4 milyon.

Ayon sa senador, layunin ng panukala na mas maraming bahagi ng kinikita ng mga manggagawa ang mapunta sa pagkain, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya.