Nauwi sa pagkasawi ang isang 38-anyos na lalaki at isang babae sa malagim na banggaan ng dalawang sasakyan sa Barangay Namunga, Rosario, Batangas madaling araw ng July 24.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Taleo, isang tricycle driver at isa pang pasahero na babae na kapwa residente ng Barangay Marilag, Rosario.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Rosario Municipal Police Station, magkasalubong na bumibiyahe ang isang tricycle at isang van nang maganap ang banggaan. Ayon sa ulat, napunta umano sa kabilang linya ang van at bumangga sa kasalubong na sasakyan.
Bukod sa mga nasawi, sugatan din ang isa pang pasahero ng tricycle na babae at patuloy pang ginagamot.
Nasugatan din ang driver ng van na si Mike, 33-anyos, residente ng Barangay Olango, Tanauan City, Batangas at tubong Kabankalan City, Negros Occidental, kung saan mahaharap sa kasong Homicide, Multiple Physical Injuries, and Damage to Property.
Kapwa nagtamo ng matinding pinsala ang dalawang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na aksidente.
Samantala, ayon sa ilang netizens, umano’y nakatulog ang driver ng van bago mangyari ang aksidente. May mga nagsabi rin na papunta umano sa palengke ang mga sakay ng tricycle upang mamili ng mga rekado para sa nalalapit na kasal ng anak ng isa sa mga pasahero.