Isang 35-anyos na babae ang inaresto matapos ang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Cupang, Bauan, Batangas noong July 24, bandang alas-4 ng hapon, kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Ayon sa CIDG, nahuli ang suspek na umano’y nagbebenta ng cooking oil na walang label, walang FDA registration, at mula sa isang pasilidad na wala ring License to Operate bilang food manufacturer, distributor, o trader.
Sa operasyon na isinagawa ng CIDG Batangas Provincial Field Unit kasama ang Batangas Police Provincial Office, 2nd Provincial Mobile Force Company, Food and Drug Administration, at Bauan Municipal Health Office, nasamsam ang iba’t ibang bote ng cooking oil, mga oil storage tank na may laman, refilling machine, weighing scale, at isang Elf truck na ginagamit sa transportasyon ng langis.
Tinatayang nasa P2.5 million ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya.
Paalala naman ng CIDG, maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang mga cooking oil na walang FDA registration dahil hindi ito dumaan sa tamang safety at quality checks. Pinapayuhan din ang publiko na tiyaking may FDA Registration Number ang mga produktong binibili at i-report sa mga awtoridad ang mga hinihinalang nagbebenta ng hindi rehistradong produkto. | BChannel News |📷 PNP CIDG