Binalikan ang mga kilalang personalidad at kasaysayan ng Batangas sa ika-58 Commencement Exercises ng Batangas State University, The National Engineering University sa Batangas City ngayong Hulyo 28, kung saan binigyang-pansin ang papel ng mga bagong graduates sa pagpapatuloy ng ambag ng lalawigan sa bansa.
Sa kanyang talumpati, ginamit ni Sen. Loren Legarda bilang halimbawa sina Heneral Miguel Malvar ng Santo Tomas, Marcela Mariño Agoncillo ng Taal, at Apolinario Mabini ng Tanauan, na pawang may mahalagang papel sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ayon kay Legarda, ang kanilang disiplina, tiyaga at kakayahang gumawa ng mahahalagang desisyon ay mga katangiang maaari ring maging gabay ng mga bagong propesyonal sa iba’t ibang larangan.
Kasabay nito, tinalakay rin ang paglago ng BatStateU, mula sa isang trade school na naitatag sa Batangas noong 1903 hanggang sa pagiging National Engineering University ng bansa. Sa kasalukuyan, mayroon itong mahigit 60,000 estudyante mula sa higit 55 probinsya at may 12 campus.
Inugnay rin sa seremonya ang kontribusyon ng Batangas sa ekonomiya ng CALABARZON, na kinikilala bilang ikalawang pinakamalaking economic region sa bansa. Kabilang sa mga nabanggit ang Batangas Port, mga industrial estate, refinery, at mga destinasyong panturismo tulad ng Anilao, Nasugbu, at Taal.
Binigyang-halaga rin ang papel ng edukasyon sa pagbubukas ng oportunidad para sa mga kabataan. Binanggit ni Legarda ang mga hakbang na naglalayong palawakin ang access sa kolehiyo at mapanatili sa pag-aaral ang mga estudyanteng nahaharap sa problemang pinansyal.
Sa pagtatapos ng programa, ipinunto na ang pag-unlad ng bansa ay nakasalalay hindi lamang sa mga kilalang lider kundi pati sa mga ordinaryong mamamayang gagamit ng kanilang kaalaman at kakayahan sa kanilang araw-araw na trabaho at serbisyo sa komunidad.